Ang Austria-Hungriya (Aleman: Österreich-Ungarn; Hungaro: Ausztria–Magyarország), pormal na Monarkiyang Austro-Hungaro, ay estadong umiral sa Gitnang Europa mula 1867 hanggang 1918. Ito ang naging pagsasanib ng Imperyo ng Austria at ng Kaharian ng Hungary hanggang ito'y lansagin dulot ng pagkatálo nito sa Unang Digmaang Pandaigdig. Ang pagsasanib ay bunga ng Austro-Hungarian Compromise ng 1867 na ipinatupad noong 30 Marso 1867. Binubuo ng dalawang monarkiya ang Austria-Hungary (Austria at Hungary), at ng isang awtonomong rehiyon: ang Kaharian ng Croatia-Slavonia na nasa ilálim ng korona ng Hungary na siyang nakipagnegosasyon para sa Croatian–Hungarian Settlement (Nagodba) noong 1868. Pinamunuan ito ng Dinastiyang Hapsburg, at siyang naging huling kabanata ng ebolusyon ng Monarkiyang Habsburg. Kasunod ng mga reporma noong 1867, naging magkapantay ang mga estado ng Austria at ng Hungary. Magkasámang nitong pinamamahalaan ang ugnayang panlabas at ang militar, ngunit ang lahat ng iba pang kagawaran ng pamahalaan ay pinaghatian at kaniya-kaniya nitong pinamahalaan.
Isang estadong multinasyonal ang Austria-Hungary at isa sa mga pinakamakapangyarihang bansa noong panahong iyon. Sa lawak nitong 621,538 km², ito ang ikalawang pinakamalawak na bansa sa Europa, kasunod ng Imperyong Ruso, at ikatlo sa pinakamatáo (kasunod ng Rusya at Imperyong Aleman). Naitayô ng imperyo ang ikaapat na pinakamalaking industriya ng pagawaan ng makina sa buong mundo, kasunod ng Estados Unidos, Alemanya, at ng United Kingdom.[1] Naging ikatlong pinakamalaking tagagawa at tagaluwás ng mga elektronikong kagamitang pambahay at pang-industriya, at mga aparatong panlikha ng kuryente para sa mga planta ng kuryente, kasunod ng Estados Unidos at Imperyong Aleman.
Mga sanggunian
↑Schulze, Max-Stephan (1996). Engineering and Economic Growth: The Development of Austria-Hungary's Machine-Building Industry in the Late Nineteenth Century (sa wikang Ingles). Peter Lang (Frankfurt). p. 295.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)