Si Kim Jong-un (ipinanganak Enero 8, 1982) ay Koreanong politiko na siyang ikatlo at kasalukuyang kataas-taasang pinuno ng Hilagang Korea. Nagsimula ang kanyang pamamahala mula sa pagkamatay ng kanyang amang si Kim Jong-il noong 2011. Naglilingkod siya bilang Pangkalahatang Kalihim ng Partido Manggagawa ng Korea at Pangulo ng Komisyon ng Ugnayang Pampamahalaan.
Siya ang pangatlo at bunsong anak na lalaki ni Kim Jong-il at ng konsorte ni Kim Jong-il na si Ko Young-hee.[1] Magmula noong hulihan ng 2010, tinanaw si Kim Jong-un bilang waring tagapagmana sa pagkapinuno ng bansa, at kasunod ng kamatayan ng kaniyang ama, ipinahayag siya bilang "Dakilang Kahalili" ng telebisyong pang-estado ng Hilagang Korea.[2] Sa serbisyong memoryal ni Kim Jong-il, ipinahayag ng Tagapangasiwa ng Kataas-taasang Kapulungan ng Bayan ng Timog Korea na si Kim Yong-nam na si Kim Jong-un ay isang iginagalang na katoto na kataas-taasang pinuno ng kanilang partido, militar at bansa na nagmamana ng ideolohiya, pamumuno, katangian, mga pagpapahalaga, tibay ng loob at katapangan ng dakilang katotong si Kim Jong-il.[3] Noong 30 Disyembre 2011, pormal na itinalaga si Kim Jong-un ng Politburo ng Partido ng mga Manggagawa ng Korea bilang Kataas-taasang Tagapag-atas ng Hukbong Bayan ng Korea.[4] Noong 11 Abril 2012, inihalal siya noong ika-4 na Pagpupulong ng Partido sa bagong likhang puwesto na Unang Kalihim ng Partido ng mga Manggagawa ng Korea.
Iniangat siya sa ranggong marsiyal ng DPRK sa loob ng Hukbong Bayan ng Korea (Korean People's Army) noong 18 Hulyo 2012, na nagpisan-pisan at nagpatatag ng kaniyang katungkulan bilang kataas-taasang komandante ng mga sandatahang lakas.[5] Nakatanggap siya ng dalawang mga degri, isa sa pisika mula sa Pamantasan ng Kim Il-sung at ng isa pa mula Pamantasang Pangmilitar ng Kim Il-sung.[6][7] Sa gulang na 40–41, siya ang pinakabatang pinuno ng estado sa buong mundo.
Mga sanggunian