Ang puno ng estado (Ingles: head of state) ay ang pinakamataas na ranggong katungkulan sa saligang-batas[tala 1] sa isang nakapangyayaring estado. Ginagawaran ng kapangyarihan ang isang puno ng estado na maglingkod bilang pangunahing pampublikong kinatawan ng naturang estado. Sa karamihan ng mga bansa ang puno ng estado ay likas na taong nanunungkulan. Sa isang monarkiya ang nananaig na monarko ay ang puno ng estado, bagamat ang kaniyang tituloy ay maaring hindi hari o reyna. Sa isang republika ang puno ng estado ay malimit na may titulong pangulo, ngunit maaari ding magtaglay ng ibang titulo gaya ng tagapangulo. Samantala, sa apat na kasaping estado ng Mga Nagkakaisang Bansa ang puno ng estado ay hawak ng isang lupon ng mga tao: ang Federal Council ng Switzerland, ang Presidency ng Bosnia at Herzegovina, ang Co-princes ng Andorra at ang Captains Regent ng San Marino.[1][tala 2] Ang ginagampanan at katungkuluan ng tanggapan ng puno ng estado ay maaaring iba-iba mula sa isang pawang seremonyal o simboliko hanggang sa pagtataglay ng kapangyarihang tagapagpaganap sa isang estado.
Karaniwang kasama sa mga ginagampanang katungkuluan ng puno ng estado ay ang pagsalehitimo ng estado at iba pang katungkulang iginagawad ng konstitusyon, batas, kaugulian at tradisyong di-nasusulat ng isang bansa. Ipinagpapalagay ng Vienna Convention on Diplomatic Relations na ang lahat ng puno ng misyong diplomatiko (i.e. embahador o nunsiyo) ng nagpasugong estado ay may akreditasyon ng puno ng estado ng pinagsuguang estado.[8] Sa mga mga estadong bansa ang puno ng estado ay pinag-aaralan, batay sa kapangyarihan ng naturang posisyon, kung ito'y opisyal na "lider" o "simbolo" ng bansa.
Talaan
↑Sa istriktong protokol lamang (i.e. order of precedence, ayos sa pagkakaupo, etc.); at hindi nangangahulugan pati ang kaakibat nitong aktuwal na kapangyarihan o impluwensiya.
↑Kahit sa ganitong sistema, isa o dalawa sa mga kasapi ng lupon ang gumaganap ng katungkulan gaya ng sa isang-taong puno ng estado, na mapapansin sa talaan ng protokol ng Mga Nagakakaisang Bansa